St Paul Seminary Foundation
  • (046) 414 2281

Saint Paul Road, Lalaan 1st, Silang, Cavite, Philippines

Home for the Weary Heart: Reflection on Matthew 11:28-30

Reflection by Sem. Prince Bernard Albacite


Come to me, all you who labor and are burdened, and I will give you rest.

Sa totoo lang po, noong nalaman kong ito ulit ang Gospel na ire-reflect ko, ang una kong naisip ay, “Lord, ito na naman?” Kasi ito rin po ang Gospel na naibigay sa akin noong una kong reflection sharing.

Pero habang nagpe-prepare ako, tinatanong ko si Lord, “Bakit ito ulit? Wala na bang ibang Gospel?” Pero habang mas pinagninilayan ko ito, parang may narinig akong simpleng paalala mula sa Kanya.

“Baka kailangan mo ulit itong marinig.”

At doon ko na-realize na baka hindi aksidente na ito ulit ang Gospel na ibinigay sa akin. Siguro alam ni Lord na pagod na naman ako.

At siguro hindi lang ako ang kailangang makarinig nito ngayon. Siguro tayong lahat. Dahil kung titingnan natin ang bawat isa rito, may kanya-kanya tayong dalang pagod. May mga pagod na nakikita ng iba, pero mas marami ang pagod na tahimik lang nating dinadala.

Napapagod sa academics.
Napapagod sa apostolate.
Napapagod sa formation.

Minsan kahit wala namang mabigat na nangyari, pakiramdam mo pagod ka pa rin. May mga pagod na hindi physical. May emotional at spiritual. Pero habang nire-reflect ko ang Gospel, may isang tanong na tumatak sa akin.

Kapag pagod ba ako, kanino ba talaga ako unang lumalapit?

At kung magiging honest ako sa sarili ko… Hindi agad kay Lord. Minsan mas inuuna kong magkuwento sa kaibigan. Mas inuuna kong maglabas ng nararamdaman sa ibang tao. Minsan naghahanap ako ng pahinga sa social media, sa music, sa panonood, o kahit simpleng distraction lang.

Hindi naman masama ang mga iyon. Hindi rin masamang magkaroon ng mga kaibigang mapagsasabihan. Pero minsan, napapansin ko na sila na ang una kong hinahanap kaysa kay Lord.

Parang si Lord ang nagiging last option ko.

Habang pinagninilayan ko rin ang Gospel na ito, hindi ko maiwasang maalala ang ating mga magulang. Madalas, iniisip natin na tayo lang ang napapagod. Pero kung tutuusin, mas mabigat ang pasan nila. Gigising sila nang maaga, magtatrabaho kahit pagod na, at minsan itinatago nila ang sariling sakit para lang makita nilang okay ang kanilang mga anak.

Naalala ko rin ang sarili kong mga magulang. Bagama’t wala na sila ngayon, naniniwala akong naranasan din nila ang mga pagod, mga takot, at mga sakripisyong hindi nila kailanman ipinakita sa amin.

At minsan, naiisip ko… ilang beses kaya silang napagod nang hindi man lang nila nasabi? Ilang beses kaya silang umiyak nang walang nakakita?

Kaya habang binabasa ko ang sinabi ni Jesus, “Come to me, all you who labor and are burdened,” pakiramdam ko hindi lang pala ako ang inaanyayahan Niya. Inaanyayahan din Niya ang bawat ama at bawat ina na tahimik na nagsasakripisyo araw-araw.

At ngayong wala na ang aking mga magulang, may mga pagkakataong nami-miss ko silang yakapin, makausap, o mapasalamatan. Pero sa bawat pagkakataong nami-miss ko sila, mas lalo kong nararamdaman na may Isang Ama na hindi kailanman mawawala. Ang ating Ama sa Langit. Siya ang patuloy kong masasandalan. Siya ang yakap na hindi nawawala. Siya ang pahingang hinahanap ng puso ko.

While I’m reflecting, naalala ko rin yung isa kong kaibigan. Her name is Jelian. Not the typical Jelian we know. Magkaibigan na kami bago pa ako pumasok sa minor seminary, almost four years ago.

Kapag sem break, kapag may problema ako, siya agad ang kinakausap ko. Alam niya halos lahat ng struggles ko.

Pakiramdam ko noon, okay lang ang lahat basta may taong nakikinig. Pero dumating din ang panahon na nagkaroon kami ng misunderstanding.

Unti-unti kaming nagkalayo. Wala na kaming communication. Noong una, masakit. Parang may nawala. Pero habang lumilipas ang panahon, may isang realization na ibinigay sa akin si Lord.

People come and go.

Alam niyo, minsan hindi pala tao ang nawawala sa atin. Minsan, ang kapayapaan ang nawawala—yung word na “peace.” At kapag ang kapayapaan ang nawala, kahit maraming tao sa paligid natin, pakiramdam natin nag-iisa pa rin tayo.

May mga taong darating para samahan tayo sa isang bahagi ng buhay natin. May mga taong mananatili. May mga taong aalis.

Pero may Isang hinding-hindi aalis. At iyon ay ang Panginoon.

Siya ang laging available. Hindi Siya napapagod makinig. Hindi Siya nagsasawang umintindi. Hindi Siya umaalis kahit ilang beses natin Siyang nakakalimutang unahin.

Maybe people leave. Memories may hurt. Life may grow heavy. But the arms of Christ never grow weary of embracing those who come to Him.

At may isa pang nangyari after kong mag-reflection last time sa parehong Gospel na ito.

After my first reflection sharing on this same Gospel, nakita ko yung journal ko. Binuksan ko lang siya hanggang dulo out of curiosity.

Habang nagbabasa ako ng mga lumang notes, pagdating ko sa pinakahuling page, may nakita akong sulat. Sulat pala iyon ni Jelian.

Naalala ko, noong Oremus sa parish namin, hiniram niya ang journal ko at nagsulat siya ng isang Bible verse. At noong nabasa ko ulit iyon…

Napatigil talaga ako. Hindi ako makapaniwala. Ilang segundo akong nakatingin lang sa journal. Parang walang ibang naririnig kundi ang Diyos na nagsasabing, “Matagal ko nang sinabi, hindi mo lang pinansin.”

Kasi ang verse na isinulat niya ay ito mismo:

Come to me, all you who labor and are burdened, and I will give you rest.

Na-shock talaga ako. Parang sinabi ni Lord sa akin,

“Matagal na kitang pinapaalalahanan. Hindi kita iniwan.”

Na-realize ko rin na minsan ginagamit ng Diyos ang mga tao para magsalita sa atin. Pero hindi para sila ang maging kapalit Niya.

Ginagamit Niya sila para ibalik tayo sa Kanya.

Bilang seminarista ng Society of Saint Paul, napaisip din ako.

Our mission is to communicate Christ.

Sa pamamagitan ng preaching, writing, social media, photography, videos, at iba’t ibang uri ng communication.

Doon ako napatanong sa sarili ko. Bilang seminarista ng Society of Saint Paul, paano ko maipapakilala si Jesus sa iba kung ako mismo ay nakakalimutang lumapit sa Kanya? Paano ko masasabi na Siya ang tunay na pahinga kung ako mismo ay sa ibang bagay naghahanap ng kapayapaan?

Hindi ko naman sinasabing huwag tayong lumapit sa mga kaibigan natin. God gave us people para samahan tayo sa ating journey.

Pero sana hindi natin makalimutan na ang mga kaibigan natin ay hindi ang destination. Sila ay companions.

Si Hesus pa rin ang destination. Siya pa rin ang tunay na pahinga.

We spend so much time looking for peace in people, distractions, and temporary comforts. Yet Jesus gently reminds us, “Come to me, all you who labor and are burdened, and I will give you rest.” People may come and go, but Christ remains. In Him alone, every weary heart finds its true home.

Siguro ito ang gustong sabihin sa atin ni Jesus ngayon. Hindi Niya hinihinging maging perpekto tayo. Hindi Niya hinihinging maging malakas tayo. Hindi Niya hinihinging kayanin natin ang lahat.

Isa lang ang hinihingi Niya.

“Come to me.”

Lumapit ka. Kahit pagod ka. Kahit nalilito ka. Kahit umiiyak ka. Kahit pakiramdam mo mag-isa ka. Dahil ang totoo, hindi tayo mapapagaan ng puso dahil nawala ang problema.

Napapagaan ang puso natin dahil may Diyos na handang buhatin ang hindi na natin kayang dalhin.

Kaya kung may dala tayong pagod ngayong araw… Kung may mga laban tayong tahimik lang nating kinakaharap… Kung may mga sugat tayong hindi alam ng iba… Huwag nating kalimutang may Isang laging naghihintay. May Isang hindi napapagod makinig. May Isang hindi sumusuko sa atin kahit tayo ang unang bumibitaw.

Dahil sa dulo ng lahat, people may come and go… Parents may leave this world… Friends may grow apart…

But Christ always remains.

At sa Kanya lamang matatagpuan ang pahingang matagal nang hinahanap ng ating puso.

Kaya Ama, salamat. Sa bawat pagkakataong napapagod ako, pinapaalala Mo sa akin na hindi ko kailangang dalhin ang lahat nang mag-isa.

Ikaw ang aking pahinga.

Amen.

By Jan Ernest Pàting

A second-year AB Philosophy student and aspirant of the Society of Saint Paul. He is currently discerning his vocation to the religious life inspired by the footsteps of the great apostle Paul.