
Poem: Mga Maliit na Bagay Kasiyahan na sa Seminaryo
Sa tuwing tutunog ang kampanilya ng alas sais ng umaga,
ramdam ang sarap ng pag-unat ng mga binti’t paa,
naghahanda sa unang bagay na gagawin sa umaga,
ang magdasal ng Corncina, upang hingin ang gabay
ng mahal na Inang Maria, Reyna ng mga Apostol.
Pipilitin na manatiling nakadilat ang mga mata
habang sinasambit ang panalangin,
habang paikot na nagdarasal sa ikatlong palapag ng seminaryo.
Nakapagdasal ka na, nakapag-ehersisyo ka pa.
Ang saya pala,
kapag alam mo ang halaga ng iyong ginagawa.
Madalas, makikipagunahan ka pa sa banyo
pagkatapos ng Cornicina, para makaligo at hindi mahuli sa Lauds sa umaga,
dahil si Fr. Rector at Prefect ay naroon na.
Hindi dahil sa takot akong mapagalitan o ma-evaluate,
ngunit dahil ako’y nahuhumaling sa halimbawang kanilang ipinapakita.
Nakakagaan ng puso ang mga dasal sa Breviary
at bawat parte ng Misa sa umaga,
kapag ang dasal na sinasambit ng mga labi
ay alam ang kahulugan at halaga sa kaluluwa.
Sa bawat pag-ihip at higop ng mainit na kapeng barako,
habang nakaupo sa dayag ng seminaryo,
o sa lilim ng puno o kaya’y sa kubo,
ramdam ang saya sa puso
habang pinapakinggan ang malamig na sipol ng hangin
sa alas tres ng hapon, matapos ang masarap na siesta,
bago makipagbakbakang muli
sa nakaimbak na deadline sa mga asignaturang Pilosopiya.
Sasaya ka pa rin talaga sa mga simpleng bagay
kapag nakita mo ang kanilang halaga.
Minsan, kapag hindi ko ramdam na mag-siesta,
nahuhumaling akong pumunta sa kapilya
para mag-aral tumugtog ng mga awiting pangmisa.
Mas sumasaya ako kapag may naaabutan akong nag-aaral doon
ng piano o gitara;
nagiging instant music teacher ako sa hapon,
mula ala una hanggang alas tres bago mag-YCAP o Manualia.
Kahit minsan ay nakakagigil magturo sa mga kapatid mo,
pero nakakatuwa at masaya rin pala,
lalo na kung tawanan at asaran ang tema ng pagsasanay sa musika.
Maaaring habang nakikipagkuwentuhan sa kainan
o kaya’y nag-aasaran habang nagpapabilisan sa hugasan,
mararamdaman mo pa rin ang saya.
Kahit sa mga simpleng bagay sa araw-araw na takbo ng buhay
sa loob ng seminaryo,
basta’t may kasama ka at alam mo ang kahalagahan ng iyong ginagawa.
Sa bawat pagtalbog at sablay ng bola sa basketball,
sa bawat serve at palo na hindi pumapasok sa net sa volleyball,
o kaya’y sa bawat pagtalisod habang naglalakad o nagjojogging
sa oras ng recreation time,
makikita pa rin ang saya at tawanan sa bawat mukha ng seminarista,
lalo na kung ang kapatiran ay umiiral sa bawat palya.
Sana’y kahit sa anong seminaryo ka pa,
Sana’y masaya ka.
